Biyernes, Oktubre 13, 2017


     Pinaniniwalaang mula ang “Tarlac” sa ugat na salitang “Malatarlac” na nangangahulugang talahib. Ito ay dating bahagi ng Pampanga at Pangasinan at ang huling lalawigan na iniorganisa ng Pamahalaang Kastila noong 1874. Ang Tarlac ay nasa gitnang Luzon. Nasa hanggahan nito ang Pampanga sa timog, ang Nueva Ecija sa silangan, ang Pangasinan sa hilaga at ang Zambales sa kanluran. Ang Lungsod Tarlac ang kabisera ng Tarlac. Sinasabing may mahabang kasaysayan ang lugar na ito sa larangan ng politika at himagsikan. Naging sentro ito ng iba't ibang kultura dahil pangunahing tagpuan ito ng mga tao mula sa kung saan-saang lugar.

       Ang Tarlac ay nahahati sa labimpitong munisipalidad at ang Lunsod ng Tarlac, ang nag-iisang lungsod dito. Sa kasalukuyan, binubuo ng 1,068,783 katao ang populasyon nito. Marami ring kilalang tao ang nagmula sa lalawigang ito, tulad nalang ni Benigno Aquino Sr., ang maybahay nitong si Corazon Aquino, at si Carlos P. Romulo. Agrikultura ang pangunahing industriya ng Tarlac. Palay at tubo ang pangunahing pananim. May sariling itong kabyawan ng palay at tubo at tatlong sentro ng Asukarera. Ang iba pang pananim ay kinabibilangan ng mais, niyog at gulay gaya ng talong at halamang ugat, gaya ng bawang at sibuyas.


       Dati-rati'y dinadaanan lang ang Tarlac sa pag-aakala ng ibang tao na ordinaryong lugar lamang ito, subalit may kakaiba at magaganda ring lugar at tanawin dito. Samahan si Dory the Explorer sa pagpapakita ng lima sa ilan pang inererekomendang pasyalan sa Tarlac.

5. ISDAAN FLOATING RESTAURANT


       Iminumungkahi ang Isdaan Floating Restaurant  sa mga taong ang hanap ay masarap na pagkain at magandang tanawin. Nasa bahagi ng Gerona, Tarlac ang kainang ito. Isa itong floating restaurant dahil ang mga kubong kinakainan ng mga bisita at literal na lumulutang sa tubig. Para ka na ring bumisita sa bansang Thailand dahil sa napakaraming estatwa ng Golden Buddha dito. Marami ring aktibidad na maaaring gawin maliban sa kumain, tulad nalang ng pangingisda, pamamangka, paglalaro sa palaruan, at pagbabasag ng pinggan sa sikat na sikat nilang Taksiyapo Wall. Minsan nang itinampok ang kainang ito sa Rated K. 

4. GOSHEN RESORT


       Gusto mo bang bumisita sa bansang Roma ngunit walang sapat na pera? Huwag kang mag-alala, dahil ang Goshen Resort sa Bamban, Tarlac ay maaari mo nang puntahan. Dinisenyo ang resort na ito na may pagkakahintulad sa Colosseum Ruins ng Roma. Sinasabing ang resort na ito ay orihinal na ginawa para sa mga pagdaraos ng pagtitipon ng mga Born Again. Ngayon, ito’y bukas na sa publiko para paglibangan at bakasyunan. 

3. TARLAC RECREATIONAL PARK


       Ang Tarlac Recreational Park ay isang 78 na hektaryang lupain para sa pagtakbo, pagbisikleta, paglangoy, pati na rin sa pagsagwan. Dito ginanap ang ikalimampu’t tatlong Palarong Pambansa noong taong 2010. Kung ang hanap mo ay isang lugar na maaaring pagdausan ng napakaraming aktibidad, ang TRP ang pinaka-swak na lugar para  sayo. 

2. MONASTERIO DE TARLAC



       Sa ngayon, kinikilala na ang Tarlac bilang ‘holy place’ dahil sa relic of the True Cross na nakalagak sa Monasterio de Tarlac sa Barangay Lubigan, San Jose, Tarlac. Nananatiling milagrosa ang naturang lugar. Maraming mga mananampalataya ang bumibisita sa monasteryong ito, mapa-Tarlaqueno man o hindi. Dinarayo ito hindi lang dahil sa banal na bahagi ng krus ni Hesus, kung hindi na rin dahil sa magandang tanawin na nakapalibot dito. Ang nasabing monasteryo ay nasa taas ng bundok, at matatanaw mo ang malawak na lupain sa ibaba. Sikat din ang malaking bukas-kamay na estatwa ni Hesus na maihahalintulad sa Christ the Redeemer statue ng bansang Brazil.

1. MT. PINATUBO


       Kung ang hilig mo ay pamumundok, isa ang bundok Pinatubo sa mga pinaka-inirerekomendang bundok na akyatan. Ang bundok na ito ay itinuturing na isa sa mga pinaka-sikat na bundok sa bansa. Maaari itong akyatan ninuman, kahit pa ang ilang mahihina ang tuhod at hindi pa eksperto sa pamumundok. Ipinapangako nito ang napakatahimik at napakagandang dagat-dagatan sa dulo ng dalawang oras na pag-akyat. 


       Ano pang hinihintay mo? Oras ay huwag nang sayangin pa at simulan nang mag-empake. Halina't pasyalan ang kahali-halinang bayan ng Tarlac!