Pinaniniwalaang mula ang “Tarlac” sa ugat na salitang “Malatarlac” na nangangahulugang talahib. Ito ay dating bahagi ng Pampanga at Pangasinan at ang huling lalawigan na iniorganisa ng Pamahalaang Kastila noong 1874. Ang Tarlac ay nasa gitnang Luzon. Nasa hanggahan nito ang Pampanga sa timog, ang Nueva Ecija sa silangan, ang Pangasinan sa hilaga at ang Zambales sa kanluran. Ang Lungsod Tarlac ang kabisera ng Tarlac. Sinasabing may mahabang kasaysayan ang lugar na ito sa larangan ng politika at himagsikan. Naging sentro ito ng iba't ibang kultura dahil pangunahing tagpuan ito ng mga tao mula sa kung saan-saang lugar.
Ang Tarlac ay nahahati sa labimpitong munisipalidad at ang Lunsod ng Tarlac, ang nag-iisang lungsod dito. Sa kasalukuyan, binubuo ng 1,068,783 katao ang populasyon nito. Marami ring kilalang tao ang nagmula sa lalawigang ito, tulad nalang ni Benigno Aquino Sr., ang maybahay nitong si Corazon Aquino, at si Carlos P. Romulo. Agrikultura ang pangunahing industriya ng Tarlac. Palay at tubo ang pangunahing pananim. May sariling itong kabyawan ng palay at tubo at tatlong sentro ng Asukarera. Ang iba pang pananim ay kinabibilangan ng mais, niyog at gulay gaya ng talong at halamang ugat, gaya ng bawang at sibuyas.
Dati-rati'y dinadaanan lang ang Tarlac sa pag-aakala ng ibang tao na ordinaryong lugar lamang ito, subalit may kakaiba at magaganda ring lugar at tanawin dito. Samahan si Dory the Explorer sa pagpapakita ng lima sa ilan pang inererekomendang pasyalan sa Tarlac.
5. ISDAAN FLOATING RESTAURANT
Iminumungkahi ang Isdaan Floating Restaurant sa mga taong ang hanap ay masarap na pagkain
at magandang tanawin. Nasa bahagi ng Gerona, Tarlac ang kainang ito. Isa itong
floating restaurant dahil ang mga kubong kinakainan ng mga bisita at literal na
lumulutang sa tubig. Para ka na ring bumisita sa bansang Thailand dahil sa
napakaraming estatwa ng Golden Buddha dito. Marami ring aktibidad na maaaring
gawin maliban sa kumain, tulad nalang ng pangingisda, pamamangka, paglalaro sa
palaruan, at pagbabasag ng pinggan sa sikat na sikat nilang Taksiyapo Wall.
Minsan nang itinampok ang kainang ito sa Rated K.
4. GOSHEN RESORT
Gusto mo bang bumisita sa bansang Roma ngunit walang sapat na pera?
Huwag kang mag-alala, dahil ang Goshen Resort sa Bamban, Tarlac ay maaari mo
nang puntahan. Dinisenyo ang resort na ito na may pagkakahintulad sa Colosseum
Ruins ng Roma. Sinasabing ang resort na ito ay orihinal na ginawa para sa mga
pagdaraos ng pagtitipon ng mga Born Again. Ngayon, ito’y bukas na sa publiko para
paglibangan at bakasyunan.
3. TARLAC RECREATIONAL PARK
Ang Tarlac Recreational Park ay isang 78 na hektaryang lupain para sa
pagtakbo, pagbisikleta, paglangoy, pati na rin sa pagsagwan. Dito ginanap ang
ikalimampu’t tatlong Palarong Pambansa noong taong 2010. Kung ang hanap mo ay
isang lugar na maaaring pagdausan ng napakaraming aktibidad, ang TRP ang
pinaka-swak na lugar para sayo.
2. MONASTERIO DE TARLAC
Sa ngayon, kinikilala na ang Tarlac bilang ‘holy place’ dahil sa relic of the True Cross na nakalagak sa Monasterio de Tarlac sa Barangay Lubigan, San Jose, Tarlac. Nananatiling milagrosa ang naturang lugar. Maraming mga mananampalataya ang bumibisita sa monasteryong ito, mapa-Tarlaqueno man o hindi. Dinarayo ito hindi lang dahil sa banal na bahagi ng krus ni Hesus, kung hindi na rin dahil sa magandang tanawin na nakapalibot dito. Ang nasabing monasteryo ay nasa taas ng bundok, at matatanaw mo ang malawak na lupain sa ibaba. Sikat din ang malaking bukas-kamay na estatwa ni Hesus na maihahalintulad sa Christ the Redeemer statue ng bansang Brazil.
1. MT. PINATUBO
Kung ang hilig mo ay pamumundok, isa ang bundok Pinatubo sa mga
pinaka-inirerekomendang bundok na akyatan. Ang bundok na ito ay itinuturing na
isa sa mga pinaka-sikat na bundok sa bansa. Maaari itong akyatan ninuman, kahit
pa ang ilang mahihina ang tuhod at hindi pa eksperto sa pamumundok.
Ipinapangako nito ang napakatahimik at napakagandang dagat-dagatan sa dulo ng
dalawang oras na pag-akyat.
Ano pang hinihintay mo? Oras ay huwag nang sayangin pa at simulan nang mag-empake. Halina't pasyalan ang kahali-halinang bayan ng Tarlac!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento